Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes na isang dating kitchen helper na mula sa Metro Manila ang kumubra ng ₱75.2 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55.
“Minsan waiter, madalas dishwasher pero hindi na sapat ang kita kaya nagresign na po ako at nagbakasakali na humanap ulit ng panibagong trabaho. Pero higit pa sa trabaho ang ibinigay ng Panginoon ngayon," ito ang pahayag ng 49- taong gulang na lucky winner.
Nabatid na Marso 1 nang magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City ang lucky winner upang kubrahin ang kanyang napanalunang ₱75,248,476.20 sa GrandLotto 6/55 game na binola noong Pebrero 27, 2023. Nabili umano niya ang kanyang lucky ticket sa isang lotto outlet sa Novaliches, Quezon City.
Aniya, ang tinamaang six-digit winning combination na 09-08-05-01-30-52 ay nakuha lamang niya mula sa random phone numbers sa kanyang contact list.
May 25 taon na umano siyang naglalaro ng PCSO lotto games at hindi siya tumigil dahil sa paniwalang ang lahat ng tao ay may darating na swerte sa tamang panahon.
“Noon pa man, naniniwala na po talaga ako sa lotto kasi dalawang beses na po akong nanalo ng five (5) digits. Madalas naman hindi rin ako nakakataya kasi walang budget pero hindi po ako nawawalan ng pag-asa dahil alam kong may suwerte pa ring darating sa atin. At ito na nga po yun. Salamat po," aniya pa.
Plano umano niyang ilaan ang perang napanalunan para makapagtayo ng negosyo at bumili ng lupa.
Tutulungan din umano niya ang mga kaanak na nangangailangan.
“Ngayon po kasi wala akong trabaho. Hindi po kasi sapat ang kita [doon] sa restaurant na pinanggalingan ko kaya naghahanap-hanap ako. Ngayon, napakalaking pera nitong hawak ko at ang magiging trabaho ko ay gamitin ito ng tama. Negosyo at lupa po siguro ang uunahin ko at itutulong ko rin po sa mga kamag-anak ko," aniya pa.
Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.