Sang-ayon ang dating child star na si Camille Prats sa trending na naging pahayag at payo ni "Eat Bulaga" host Maine Mendoza sa isang nanay na kalahok sa "Bawal Judgmental," kung saan sinabi nitong huwag munang bigyan ng malaking responsibilidad ang mga anak na siyang mag-aahon ng pamilya sa kahirapan, kapag sila ay lumaki na at nakatapos ng pag-aaral.
Natanong kasi ni King of Talk Boy Abunda sa "Fast Talk" ang dating child star, kung anong masasabi niya tungkol dito.
Ani Camille, sang-ayon naman siya sa mga sinabi ni Maine. Bilang child star, ginusto raw niya ang pagpasok sa showbiz at hindi naman siya pinilit ng kaniyang mga magulang, o kahit na sinuman.
"Naniniwala ako na tama 'yon, Tito Boy… kasi as a child, as a child star, ginusto ko 'yon eh. Kaya nga sinasabi ko sa mommy ko, 'You know mom, I'm so blessed and I'm so fortunate that at the age of 4 years old, sinabi ko sa 'yo na gusto kong mag-artista. Naniwala ka sa akin,'" sey ni Camille.
Hindi raw totally inasa sa kaniyang pag-aartista ang naging kabuhayan ng kanilang pamilya.
Sey naman ni Boy, para sa kaniya, hindi tamang sabihing ang pagpasok ng isang tao sa pag-aartista ay paraan upang mai-ahon ang kalagayan sa kahirapan, dahil hindi umano madaling trabaho ang pagpasok sa showbiz.
Sang-ayon naman dito si Camille.
"Malalakas pa tayo, marami pa tayong puwedeng gawin," giit pa ni Camille.
Kaugnay nito, wala rin siyang feeling na "ninakaw" ang kaniyang pagkabata dahil sa maagang pagpasok sa pag-aartista.