Nailapag na sa Cauayan City Airport nitong Martes ng umaga, Marso 14, ang anim na labi ng mga sakay ng bumagsak na Cessna 206 sa Isabela.
Mula sa Divilican, Isabela, ay tagumpay na naihatid sa airport sa pamamagitan ng helicopter ng Philippine Air Force ang anim na labi bandang 8:39 ng umaga.
Kabilang sa anim ang pilotong kinilalang si Capt. Eleazar Mark Joven, at limang pasaherong sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra, Xam Seguerra, at Josefa Perla España.
Idadala naman umano ang labi ng mga ito sa punerarya bago tuluyang ihatid sa kani-kanilang mga pamilya.
Isinagawa ng retrieval team ang pagkuha sa mga labi ng piloto at limang pasahero matapos matagpuan noong Marso 12 ang wreckage ng sinakyan nilang Cessna 206 na mahigit isang buwan nang naiulat na nawawala.