Sinabi ng talent manager-social media personality na si Wilbert Tolentino na hindi nila pinag-usapan at pinagkakitaan ng kapwa vlogger na si Zeinab Harake ang naging awayan nila sa social media noong nakaraang taon, 2022.
Iyan kasi ang ipinupukol ng karamihan sa kanila, lalo't kay bilis daw na humupa at walang naganap na demandahan sa pagitan nilang dalawa. Hindi man maganda ang mga nangyari, silang dalawa raw ang higit na nakinabang dito.
Matatandaang nabulabog ang online world nang magsagawa ng "rebelasyon" si Wilbert hinggil sa umano'y "backstabbing" na ginagawa ni Zeinab sa iba pang content creators, at maging celebrities na pinasok na rin ang vlogging.
Ayon sa panayam kay Wilbert sa grand opening ng kaniyang bagong Japanese restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, inanyayahan niya si Zeinab na mag-drop by sa kaniyang bagong tayong negosyo.
Ipinakita pa ni Wilbert ang palitan nila ng mensahe ni Zeinab. Hindi naman nakapunta ang huli dahil sa prior commitments nito.
Nilinaw rin ni Wilbert ang isyung scripted at planado nila ni Zeinab ang naging bangayan online upang mapag-usapan at mapagkakitaan ito.
Kung may natutuhan man daw ang talent manager-vlogger-negosyante sa mga nangyari, ito ay ang pagpapatawad. Itinuturing pa rin niyang mentor si Zeinab pagdating sa vlogging.