Isang mambabatas ang naghain ng panukalang mag-set up at mamahala ng Kadiwa Agri-Food Terminals sa bawat local government unit sa bansa.
Ang panukalang ito ay upang suportahan ang nauna nang plano ni Pang. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na magtayo ng mga permanenteng Kadiwa stores sa buong bansa.
Naghain si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ng House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal” bill ay naglalayong i-institutionalize ang programa sa pamamagitan ng paunang P25 bilyong pondo para sa Department of Agriculture sa pagsasakatuparan ng panukala.
Binigyang-diin ng mambabatas na kailangang i-institutionalize ang konsepto ng mga Kadiwa stores upang matulungan ang mga lokal na magsasaka.
"Suportado natin ang planong gawing permanente ang Kadiwa. In fact, we have been calling for the institutionalization of the program and filed a bill towards this end because it presents a win-win scenario for all concerned. Winner ang magsasaka, winner ang mamimili, Winner Tayo Lahat," pahayag ni Lee.
Sinabi ng mambabatas na ang pagpapalawak sa inisyatiba ng Kadiwa sa buong bansa ay maaaring maging isang kongkreto at agarang interbensyon sa kasalukuyang krisis sa pagkain.
Sinabi rin ni Lee na ang pagiging permanente ng programa ng Kadiwa ay makakatulong na maalis ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda na lumapit sa mga middleman.
Ayon sa mambabatas, makakatulong ito para maging mas stable at mura ang presyo ng pagkain dahil may direktang access sa pagitan ng mga producer at mamimili.
Nanawagan siya sa Kongreso na ipasa ang panukalang batas bilang suporta sa plano ng pangulo.
Hinimok naman ng solon ang mga local government units na sa ngayon ay makipag-ugnayan sa mga concerned national agencies kung paano isasagawa ang plano ni PBBM.