Isang 67-anyos na lola ang pinatay sa hambalos ng sariling anak sa loob ng kanilang tahanan sa Pasig City kamakailan at isinilid ang bangkay sa isang storage box at itinapon sa isang liblib na lugar sa Bulacan, nabatid nitong Lunes.

Naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Ma. Elena Estella Villastique, 67, canteen owner, nang madiskubre ng mga awtoridad habang arestado naman ang kanyang anak na si Raymond, 28, kapwa residente ng Barangay Villalamok, Pasig City.

Batay sa ulat, lumilitaw na naganap ang krimen noon pang Marso 4, kung kailan nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-ina nang akusahan umano ng lola ang kanyang anak na siyang kumuha sa kanyang pera.

Dito na umano dumampot ng isang kahoy ang suspek at hinambalos sa ulo ang kanyang ina, na ikinamatay nito.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Nang mapagtantong napatay niya ang kanyang ina ay binalot umano ng suspek ang biktima ng kumot at plastik at saka ito isiniksik sa isang puting storage box.

Nakuhanan pa ng CCTV si Raymond habang hinihila ang naturang kahon palabas ng kanilang bahay noong Marso 6.

Dinala umano ng suspek ang bangkay sa isang liblib na lugar sa isang sitio sa Brgy. Matictic, Norgazaray at itinapon doon.

Inireport naman ng mga kaanak na nawawala ang biktima dahil ilang araw na hindi ito pumapasok sa kanyang kantina.

Nitong Marso 11 ay nadiskubre naman ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima nang may magsumbong na residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa isang inabandonang storage box, na selyado umano ng tape.

Samantala, ang anim na taong gulang na anak ng suspek ay tumestigo sa National Bureau of Investigation (NBI) na nakita niyang pinatay ng kaniyang ama ang kaniyang lola.

Sa isang mall nadakip ang suspek kinabukasan matapos na isang kaanak ang magturo sa kinaroroonan nito.

Umamin naman ang suspek sa krimen at itinuro kung saan niya itinapon ang bangkay ng kaniyang nanay.

Gayunman, iginiit nitong walang kinalaman sa pera ang krimen.

Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso.