Mataas pa rin ang presyo ng sibuyas sa Metro Manila salungat sa inaasahan ng isang grupo ng mga magsasaka sa bansa.
Sa pahayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), bumaba na ang farm gate price ng produkto dahil na rin sa panahon ng anihan at pagdagsa ng mga imported.
Inaasahan ng grupo na pumalo sa ₱80 ang kada kilo ng sibuyas sa National Capital Region (NCR) matapos umabot sa ₱700 ang bawat kilo nito noong 2022.
“‘Yung pula ngayon sa Nueva Ecija, lumalakad ng ₱55 to ₱60 kada kilo naman and ‘yung puti rin, more or less nasa ₱60 per kilo ang farm gate price. Dapat ang presyo sa Metro Manila siguro nasa ₱90 or ₱80," banggit naman ni Sinag chairperson Rosendo So sa panayam sa radyo nitong Linggo.
Sa huling price monitoring ng Department of Agriculture (DA), nasa ₱90 hanggang ₱150 (per kilo) ang pulang sibuyas habang pumapalo naman sa ₱80 hanggang ₱130 ang puting sibuyas sa mga pamilihan sa NCR.