Natimbog ng mga awtoridad ang isang umano'y illegal recruiter na humihingi ng pera sa isang aplikante upang makapagtrabaho sa Philippine Coast Guard (PCG) sa ikinasang entrapment operation sa Parañaque City kamakailan.

Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang suspek na si Omar Sampang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natimbog ng PCG at PNP-CIDG si Sampang nang tanggapin ang marked money na poseur applicant sa Baclaran, Parañaque City nitong Marso 10.

Nitong Disyembre 2022, nakatanggap ng reklamo ang PCG-Intelligence Force (IF) mula sa isang aplikante kaugnay sa umano'y panghihingi ni Sampang ng ₱350,000 para matiyak na makapasok ito sa PCG.

Matapos gipitin ng CCG: Pinsala sa research vessels ng BFAR, aabot daw ng milyong halaga

Nang magreklamo ang aplikante, pinayuhan ito ni Sampang na magbigay na lamang muna ng paunang bayad na ₱50,000.

Dahil dito, humingi ng tulong sa CIDG ang PCG-IF upang maaresto si Sampang.

Pinayuhan naman ng PCG ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga indibidwal upang hindi mabiktima ng mga manloloko.