Kung dati ay napagtatawanan dahil sa kaniyang kakaibang pangalan, matapos mag-viral ay tila nakatulong pa ito sa estudyanteng si "Drink Water V. Rivera," na tinatawag din sa palayaw na "H20," matapos siyang kuning endorser ng isang beverage company.

"For Drink Water Rivera, water is life. Except when it comes to one thing. To find out, watch his story now," saad sa caption ng Gatorade Philippines sa kanilang opisyal na Facebook page.

Agad naman itong ibinahagi ni Drink Water sa kaniyang social media account.

"Hala malalaman n'yo na ang secret ko kung anong iniinom ko kapag pinapawisan sa PE aka WRP char," ani Drink Water.

KILALANIN: Bikolanang kakanta ng pambansang awit sa SONA 2024

Matatandaang nag-viral ang ID ni Drink Water matapos itong mai-post sa social media.

Kuwento niya, gusto kasi ng nanay niya na unique ang magiging pangalan ng kaniyang mga magiging anak.

Nang mga sandaling ipinagbubuntis daw siya ng nanay niya, hindi raw nito kayang hindi makainom ng tubig. Kaya naman, "Drink Water" ang naisipan nitong ipangalan sa kaniya.

Sa ngayon, product endorser na siya, kaya never daw niyang ikahihiya ang kaniyang pangalan, dahil ito ang nagdala ng oportunidad sa kaniya.