Kinumpirma ng Isabela Incident Management Team (IMT) na nakarating na ang retrieval team sa pinagbagsakan ng Cessna 206 sa Brgy. Ditarum, Divilacan, Isabela bandang 8:00 ng umaga nitong Sabado, Marso 11.
Naging balakid naman umano sa mabilis nilang pagdating sa dalisdis ng bulubundukin ng Brgy. Ditarum ang daan, kung saan bukod sa matarik ay naging madulas pa dahil sa nangyaring pag-ulan sa lugar.
BASAHIN: Retrieval operation sa mga biktima ng bumagsak na Cessna 206 sa Isabela, ‘di magiging madali – PCG
Layon ngayon ng retrieval team na mabilis na maibaba ang mga labi mula sa bulubundukin ng Brgy. Ditarum, Divilacan, upang maidala sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Atty. Constante Foronda, commander ng IMT, na mayroon pa umanong isasagawang proseso ang mga magsisiyasat bago maidala ang mga labi ng mga biktima sa punerarya upang maisaayos at tuluyan nang idala sa kani-kanilang mga pamilya.
Matatandaang naiulat na nawawala ang nasabing Cessna plane noong Enero 24 matapos umalis sa Cauayan City Airport upang magtungo sana sa bayan ng Maconacon, Isabela.
Matapos ang mahigit isang buwang search and rescue operations, natagpuan ang nasabing Cessna noong Huwebes, Marso 9, ngunit kinumpirma ng mga awtoridad na walang nakaligtas sa anim na sakay ng eroplano.
BASAHIN: Mga sakay ng natagpuang Cessna 206 sa Isabela, kumpirmadong patay