Isang Chinese national na nagpanggap na isang medical doctor at ang kanyang katropa ang inaresto ng mga miyembro ng Southern Police District- Special Operations Unit (SPD-SOU) matapos ireklamo sa Pasay City noong Biyernes, Marso 10.

Sinabi ni SPD director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft na kinilala ang mga suspek na sina Yang Yongsheng, alyas "Yi Sheng Yang", 53, at Liu Yong, 49.

Sinabi ni Kraft na naaresto ang mga suspek dakong alas-3:30 ng hapon sa isang tower condominium sa Metrobank Avenue sa Pasay City.

Sinabi ng hepe ng SPD na inaresto ang mga suspek matapos silang ireklamo ni Zheng Haohan, 26, na nagpa-medical check-up sa suspek dahil sa pananakit ng tiyan at pagtatae.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Haohan na binigyan siya ni Yang Yongsheng ng Chinese medicines pagkatapos ng kanyang check-up. Sinabihan din siyang bumalik para sumailalim sa operasyon matapos umanong makakita ng karamdaman ang suspek sa kanyang pribadong bahagi.

Kasunod ng reklamo, nagsagawa ng operasyon ang pulisya at inaresto si Yang Yongsheng dahil sa hindi pagpapakita sa mga awtoridad ng kanyang lisensya para magpraktis bilang isang medical practitioner.

Sinabi ni Kraft na nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng SPD.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 12, Article II ng Republic Act No. 2382 (Medical Act of 1959), at Republic Act No. 9711 (Food and Drug Administration [FDA] Act of 2009).

Jean Fernando