Viral ngayon sa Facebook ang larawan ng dalawang chikiting at puting pader na puno ng kanilang drawings, bagay na may malalim na hugot at ikinaantig ng maraming netizens at parents online.
Umabot na sa mahiit 17,000 reactions ang viral post ni Tating Dumanig sa Facebook, isang tattoo artist, tampok ang tila naging freedom wall ng mga anak.
“Yes, they are allowed to draw on white walls sa bahay, para malaman ko kung ano ang nasa isip nila....anyway napapalitan naman yung paint sa wall pero mas importante ang psychological awareness ng mga bata,” mababasa sa kaniyang caption na ikina-relate ng libu-libo.
Sa panayam ng Balita sa ama, proud full-time dad si Tating na kagaya ng kaniyang naging kabataan noon ay mayroon ding kinalakhang parehong kalayaan ng pagpapahayag ng kaniyang emosyon.
“Nung bata pa talaga ako puno din ng drawing ang wall namin dati kasi kung ano ang nasa isip namin dun namin sa wall ginuguhit kay di talaga mabigat sa akin na mag drawing ang mga anak ko sa wall, kayang kaya ko naman i-repaint ‘yun,” pagbabahagi niya.
Para sa artist, ang kalayaang ibinibigay sa mga anak ngayon ay paraan din aniya para magabayan ang mga anak sa kanilang malawak na pag-iisip.
“Maraming concept ang pwede mong gawin,” saad ni Tating ukol sa maaring iguhit ng isang tao.
“Pwedeng based on your life experience, pwedeng based sa mga nakikita mo or nararamdaman mo. Kaya dun ko nakita ang idea na malaki din pala tulong ng pagguhit nila sa wall para ma-guide ko sila sa mga imagination nila or sa mga ideas nila,” dagdag niya.
“’Di naman kasi nila sasabihin ‘yan sayo personally lahat kung ano ang nasa isip nila, if nakita mo sa wall pwede mo silang lapitan at ipa explain sa kanila,” pagpapatuloy ng ama liban pa sa benepisyong maagang pagkatuto ng mga anak sa pagsusulat.
Samantala, kabilang sa mga natunghayan na ng ama na iginuhit ng mga anak ang tila imahe ng sungay na sa kanilang pagtatanong sa anak ay “nothing deep” naman umano hanggang sa mga konsepto ng pamilya, Covid-19 pandemic at ilang natutunan nila sa eskwelahan.
Sa ngayon, ang bawat sulok ng kanilang bahay ay puno ng mga guhit ng mga anak na sina Chaz, 10; Cataleya, 7; at Cairo.
Sa huli, hangad naman ni Tating na maghatid ng inspirasyon at makabawas sa stress sa mga kapwa magulang ang kaniyang viral post lalo na sa mga single parent.