Mabibili pa rin sa maraming pamilihan ang makukulay na “water beads” na kilalang lumolobo kapag ibinababad sa tubig. Ang nakawiwiling laruan, peligroso para sa mga bata!

Ito ang laman ng babala ng grupong Ban Toxics sa kamakailang press release ng grupo laban sa nakababahalang produkto.

Tinatawag ding “jelly beads,” “hydro orbs,” “crystal soil,” at “gel beads,” ang nakakabusog sa matang laruan ay mistulang kendi na mabibili sa marami pa ring tindahan lalo na sa Metro Manila.

Basahin: ‘Laser pointer’ na patok sa mga bata, nakitaan ng mataas na antas ng lead, mercury – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

National

Suspensyon ng mga klase at trabaho sa gov’t, nakasalalay sa local chief executives — PCO

Pagbabala ng grupo, talamak pa ring binebenta nang bultuhan ang produkto sa kabila ng mga hindi pinangalanang kemikal na taglay nito na anila'y delikado sa kalusugan ng mga bata.

“Nakakabahala na nagpapatuloy ang pagbebenta ng mga laruang water beads sa mga pampublikong palengke kahit naglabas na ng babala dito dahil sa panganib na maaaring idulot sa kalusugan ng mga bata,” saad ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.

Dagdag nila, nauna nang nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa peligrong dala ng produkto noong pang 2009. Makalipas ang higit isang dekada, nanatili pa rin itong patok at ilegal na binebenta.

“Ayon sa HealthChildren.org, maaaring malunok ng mga maliliit na bata ang mga butil dahil mukha itong kendi. Nailalagay ng mga bata ito sa kanilang mga tenga at nasisinghot. Maaaring lumaki ang mga butil sa loob ng katawan na magdudulot ng pagbara at nakamamatay na epekto,” dagdag ng grupo.

Samantala, nilista naman ng grupo ang potensyal na reaksyon ng water beads sa katawan ng isang bata kung sakaling nalunok ito. Kabilang sa mga sintomas ang kawalan ng ganang kumain, pagkaantukin, paglalaway, pagsusuka, hika, pananakit ng tiyan, hirap sa pagbdumi, at paglaki at pamamaga ng tiyan ng isang bata.

Panawagan na ng grupo sa Food and Drug Administration (FDA), muling pairalin ang 14-taong health advisory ni dating Health Secretary Francisco Duque III bilang hakbang para sa maagap na pagkumpiska ng mga peligrosong laruan at maprotektahan ang buhay ng mga bata.

Liban pa rito ang anila’y paglabag ng mga gumagawa ng naturang produkto sa labeling requirements sa ilalim ng RA 10620 o Toy and Game Safety Labeling Law.