Nangako ang Malacañang nitong Biyernes, Marso 10, na pag-aaralan nito ang inilabas na desisyon ng United Nations women rights committee na nilabag ng Pilipinas ang mga karapatan ng Malaya Lolas, grupo ng mga lola na naging biktima umano ng pang-aabuso at kalupitan ng mga Hapon noong World War II.
Ito ay matapos iulat ng UN Committee on the Elimination of Discrimination against Women (CEDAW) na nararapat na bigyan ng pamahalaan ang 24 miyembro ng Malaya Lolas ng full reparation, kabilang na ang kompensasyon at paghingi ng tawad sa kanila.
BASAHIN: PH, nilabag ang mga karapatan ng Pinoy ‘comfort women’ – UN committee
Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), kinikilala daw ng pamahalaan ng bansa ang ulat ng CEDAW at sinabing kinikilala rin nito ang naging paghihirap ng mga kababaihan noong World War II.
"The government of the Philippines recognizes the suffering of female victims of atrocious violations that occurred during the Second World War. In this regard, we note that some reparations have been made, and the Supreme Court has adjudicated on the matter," anang PCO.
Sinisiguro rin umano ng gobyerno na itaguyod ang karapatan ng mga kababaihan sa bansa, tulad ng Malaya Lolas.
"The government of the Philippines remains fully committed to women's rights pursuant to its international human rights obligations and national laws and jurisprudence," anang PCO.
"In this regard, we will study the View of the Committee and submit a written response to the Committee within the time frame of six months, as provided for under the Optional Protocol to the CEDAW," anang PCO.
Ang nasabing ‘comfort women’ sa bansa ay mga kababaihang sapilitang isinilid umano sa isang bahay na tinawag na ‘bahay na pula’ para doon pagsamantalahan ng mga mananakop na Hapon mula 1942 hanggang 1945.
Hanggang ngayon ay matatagpuan pa ring nakatayo ang Bahay na Pula sa San Ildefonso, Bulacan, at tinuring bilang isang historic monument at isang pagpapaalala sa malagim na dinanas ng bansa sa panahon ng pananakop.