Tila raw "nabahag ang buntot" ng pamilya Jalosjos at hindi na sisibakin sa longest-running noontime show na "Eat Bulaga" ang mga "pader" na hosts nito na sina dating senate president Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon na mas kilala sa trio na "TVJ."
Ayon sa kumakalat na ulat, hindi na raw itutuloy ng pamilya Jalosjos na siyang namamahala ngayon sa TAPE, Inc. ang pagtatanggal sa trio matapos makatanggap ng katakot-takot na negatibong komento at bashing mula sa netizens. Sa ngayon, ang dating kongresista na si Romeo Jalosjos, Jr. ang bagong chairman ng TAPE, Inc. na siyang producer ng EB.
Hindi na rin daw matitigbak ang ilang production staff ng noontime show.
Si Tony Tuviera naman ay nakatakda na raw magretiro at mawawala na sa eksena.
Matatandaang mula sa blind item ng PEP at ispluk ng showbiz columnist na si Cristy Fermin, sumabog ang balitang magkakaroon ng exodus sa programa kapag wala na ang TVJ.
Lumabas pa ang tsikang kapag natuloy ito, lilipat sa NET25 ang trio at bubuo ng noontime show na "Dabarkads."
Sumabog din ang tsikang papalitan ni Willie Revillame ang tatlo at tatawaging "Wow Bulaga" ang noontime show, bagay na pinabulaanan naman ni King of Talk Boy Abunda sa kaniyang show na "Fast Talk with Boy Abunda."
Samantala, ayon pa rin kay Boy, maglalabas daw ng opisyal na pahayag ang TAPE, Inc. hinggil sa isyung ito.