Isinailalim sa state of calamity ang ilang bayan sa Davao de Oro matapos yanigin ang probinsya ng sunod-sunod na lindol.
Matatandaang noong Lunes, Marso 6, niyanig ang probinsya ng magnitude 5.3 na lindol.
BASAHIN: Davao de Oro, niyanig ng magnitude 5.3 na lindol
Kinabukasan, Marso 7, niyanig muli ang Davao de Oro ng dalawang magkasunod na lindol na magnitude 5.9 at magnitude 5.6.
BASAHIN: Davao de Oro, muling niyanig ng malakas na lindol
Dahil dito, isinailalim sa state of calamity nitong Sabado, Marso 11, ang munisipalidad ng Maragusan dahil sa lindol.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maragusan, tinatayang 1,041 pamilya at 4,164 indibidwal na ang naapektuhan ng nasabing mga lindol dito.
Samantala, idineklara rin sa state of calamity nitong Biyernes, Marso 10, ang munisiplidad ng New Bataan, Davao de Oro upang mabilis na makapagresponde ang lokal na pamahalaan sa pinsala ng lindol.
Sa ulat ng Regional Risk Reduction Management Council (RDRRMC)-Davao, ang nasabing sunod-sunod na lindol ay nakapinsala na ng tinatayang ₱42,320,000 at 2,942 pamilya o 13,560 indibidwal sa rehiyon.