Ipinahayag ng Guinness World Records (GWR) nitong Biyernes, Marso 10, na maaari nang tawagin ang K-pop group na BTS na ‘most popular group in the world’ matapos nitong talunin ang sariling record para sa ‘most streamed male group on Spotify' sa pangalawang pagkakataon.
Ayon sa GWR, umani na ang awitin ng BTS ng 31.96 billion streams noong Marso 3. Halos doble ito sa 16.3 billion streams na huling record nila noong Abril 2021.
Ang awitin umano ng BTS na nakatanggap ng pinakamataas na stream sa Spotify ay ang “Dynamite” na may 1.60 billion streams. Sinundan naman ito ng "Butter" na may 1.08 billion, at "Boy with Luv" feat. Halsey na may1.01 billion streams.
Kasama naman sa top 5 male most streamed bands ang Coldplay, Imagine Dragons, Maroon 5 at Queen.
Kamakailan lamang ay kinilala rin ng GWR ang K-pop group na BLACKPINK bilang ‘most streamed female group on Spotify’ matapos makatanggap ng 8,880,030,049 individual streams.
BASAHIN: BLACKPINK, kinilalang ‘most streamed female band on Spotify’ sa buong mundo
Samantala, isa ring dahilan kung bakit natawag ng GWR ang BTS na pinakapopular na grupo sa buong mundo ay ang mga parangal na nasungkit nila sa labas ng platapormang Spotify.
“BTS have also extended their record for the most Nickelodeon Kids' Choice Awards blimps won by a music group with seven,” saad ng GWR.
Sa awards show sa Los Angeles, California, pinangalanan din umano ang BTS na Favourite Music Group para sa apat na sunod-sunod na taon.
“No other act has won the award four years in a row. One Direction and Fifth Harmony had previously won the award for three consecutive years,” anang GWR.
Napanalunan din daw nila ang Favourite Global Music Star noong 2018 at 2021, maging ang Favourite Song para sa awitin nilang "Dynamite" noong 2021.
Ngayong 2023, nakuha rin ng nasabing K-pop group ang ‘most followers on Instagram for a music group’, ‘most followers on Twitter for a music group’, at ‘most followers on TikTok for a music group’.
Recordholder na rin umano ang BTS para sa ‘most viewed YouTube music video in 24 hours’, ‘most streamed track on Spotify in the first 24 hours’, at ‘first K-pop act to reach No. 1 on the US albums chart’.