Hindi pinupuntirya ng imbestigasyon ng pulisya siNegros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, Jr kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kamakailan.

Ito ang reaksyon ni Philippine National Police (PNP)-Special Investigation Task Group Degamo spokesperson Lt. Col. Gerard Pelare sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes.

"We are looking into everyone not only Congressman Teves," paglilinaw ni Pelare.

Nauna nang nagbigay ng extra-judicial confession ang isa sa apat na naarestong suspek kung saan idinadawit si Teves sa pamamaslang.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Ayon kay Pelare, may matibay na silang impormasyon bago at pagkatapos isagawa ang krimen, gayundin sa mga personalidad na binanggit ng mga suspek.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Pelare na planado ang pagpatay kay Degamo.

Inumpisahan aniyang planuhin ang pamamaslang nitong Disyembre 2022 kasabay na rin ng pag-recruit sa mga suspek upang magsagawa ng pagmamanman laban sa gobernador.

Matatandaang sinugod ng 10 hanggang 12 na armado ang bahay ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental kung saan pinagbabaril ang gobernador habang namimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program nitong Sabado, Marso 4, na ikinasawi rin ng walong iba pa.