Walang iligal sa nangyaring pagsalakay sa bahay ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, Jr. nitong Biyernes ng madaling araw.

Paliwanag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, may dalang search warrant ang mga awtoridad nang salakayin ang bahay ng kongresista sa Purok 4, Barangay Poblacion, Basay.

"There were (two) search warrants issued by the courts so I suppose that all of these were legally carried (out)," pahayag ni Remulla sa mga mamamahayag.

Kabilang aniya sa mga sumalakay ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF), at 11th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Natagpuan sa bahay ni Teves ang ilang baril, bala at granada. 

Lisensyado umano ang mga ito, gayunman, iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad.

Paglilinaw ni Remulla, dadaan sa due process ang isinampang kaso laban kay Teves na may kaugnayan sa mga pagpatay noong 2019.

"I think that a lot of other people are coming out with information about past cases but we have to process them properly. We have to look at the evidence. We have to look at the statements. We will look at them one by one,” aniya.

Kamakailan, itinanggi ni Teves na may kinalaman siya sa pagpatay kay Governor Roel Degamo nitong Marso 4.

Matatandaang inalis sa puwesto ang kapatid ni Teves na si Henry Pryde bilang gobernador at pinalitan siya ni Degamo.

Hindi pa bumabalik sa bansa ng kongresista mula sa personal trip nito sa United States nitong Pebrero 28 hanggang Marso 9, batay na rin sa Travel Clearance na inilabas ng House of Representatives Office of the Secretary General nitong Pebrero 27.

Philippine News Agency