Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng₱0.5453 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente ngayong Marso, bunsod umano nang pagtaas ng generation charge.
Sa isang pahayag ng Meralco nitong Biyernes, nabatid na bunsod ng naturang taas-singil, ang overall rate para sa isang typical household ay aabot na sa₱11.4348 kada kWh mula sa dating₱10.8895 kada kWh lamang.
Nangangahulugan anila ito na ang residential customers na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan ay magkakaroon ng karagdagang₱109 na bayarin sa kanilang electricity bill;₱163.50 naman sa nakakakonsumo ng 300kwh kada buwan;₱218 sa nakakagamit ng 400kwh kada buwan at₱272.50 naman sa mga kumukonsumo ng 500kwh buwan.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang scheduled maintenance ng Malampaya facility noong Pebrero 4-18, ang nagdulot ng pagtaas sa generation charge ng ₱0.4636 at naging ₱7.3790 mula sa dating ₱6.9154 kada kWh lamang noong nakaraang buwan.
Anang Meralco, dapat sana ay mas mataas pa ang dagdag sa generation charge ngunit nagpasya ang Meralco na hatiin ang pagsingil nito upang mabawasan ang impact sa kanilang mga kostumer.
Hinati anila ang taas sa generation charge na ₱0.94 kada kwh, at ang unang ₱0.4636 kada kWh ay ipinatupad ngayong Marso habang ang butal naman na ₱.040 kada kWh ay hahatiin pa sa April at May billing.
Nangangahulugan ito na may patong na agad na tig-₱0.20 kada kwh ang April at May billing.
“This month’s generation charge increase would have been significantly higher, but we took the initiative to cushion the impact in the bills of our customers by coordinating with some of our suppliers to defer collection of portions of their generation costs,” ayon pa kay Meralco Head of Regulatory Management Office Atty. Jose Ronald Valles.Tiniyak naman ng Meralco na makikipagtulungan sila sa Department of Energy (DOE) at mga stakeholders upang masiguro ang paghahatid ng sapat na suplay ng kuryente ngayong panahon ng tag-init, kung kailan inaasahang tataas din ang demand at pagkonsumo nito.
Anang Meralco, gumagawa na sila ng mga pamamaraan upang makakuha ng karagdagang 480 MW na suplay upang dagdagan ang kanilang available capacity.