Inanunsyo ng GMA Network nitong Huwebes, Marso 9, ang ‘exciting’ na balita lalo na sa #FiLay fans kung saan mapapanood na umano ang historical fantasy series na 'Maria Clara at Ibarra' sa giant streaming platform na Netflix sa darating na Abril 14.

Sa direksyon ni Zig Dulay, itinampok ng nasabing hit serye ang mga nobela ng pambansang bayaning si Jose Rizal na ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’.

Upang mas maging konektado umano sa younger generation ang naturang mga nobela, binigyan ng makabagong ‘magic’ ang serye kung saan umikot ang istorya sa isang Gen Z nursing student na si ‘Klay’ na hindi maintindihan kung anong konekta ng pangarap niyang maging nurse ang pag-aaral ng buhay at mga akda ni Rizal.

Dahil dito, pinahiraman si Klay ng kaniyang propesor ng kopya ng nobela ni Rizal na lingid sa kaniyang kaalaman ay magiging daan na pala upang mapasok niya ang mundo ng nobela at makilala ang magiging pag-ibig ng buhay niya –si Fidel.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Join Klay as she takes lessons from the past to shape her future in Maria Clara and Ibarra, streaming on Netflix starting April 14, 2023,” anang GMA Network.

Pinagbibidahan ang nasabing hit serye nina Barbie Forteza bilang Klay, Julie Anne San Jose bilang Maria Clara, David Licauco bilang Fidel, at Dennis Trillo bilang Ibarra.

Magmula nang umere sa free TV noong Oktubre hanggang sa finale episode nito noong Pebrero, umani ng sari-saring papuri ang serye dahil sa husay ng produksyon at layunin nitong buhayin muli nasyonalismo ng mga manonood.