Isang clinical supervisor na nagngangalang "Jan Aldwin Aspiras" ang nagpaalala sa pet owners na nagdadala ng kanilang mga alaga sa mall, matapos niyang iligtas ang isang fur baby na naipit sa isang escalator habang bitbit ito ng kaniyang fur parent sa isang mall sa Quezon City.
Makikita sa Facebook post ni Aldwin ang ginawa niyang pag-rescue sa isang shih tzu na di-sinasadyang maipit sa escalator ng Robinson's Magnolia.
Hindi nagpatumpik-tumpik si Aldwin na tulungan ang owner nito, lalo't pumalahaw na ng iyak ang kaawa-awang aso, hudyat na nasasaktan ito.
"Sa mga furparents na dinadala ang mga alaga nila sa malls, please carry your pets pag gumagamit kayo ng escalator," ani Aldwin.
"I was at Robinson’s Magnolia this late afternoon para asikasuhin ko yung problema ko sa SIM card, and on my way there, may nakasabay akong babae na may alagang aso (Shih Tzu ata) na nakaupo sa escalator. Biglang sumigaw yung aso dahil naipit na pala, at agad akong tumakbo pataas para sana pindutin ang emergency stop button (na agad namang napindot ng babae) in distress na ang aso (frantic ang pagtahol), maging ang amo nito. dumating ang security at agad nai-reverse ang escalator at napakawalan ang aso na naipit ang paa," kuwento niya.
Hindi lamang alagang aso ang nangailangan ng tulong kundi ang mismong dog owner, dahil natuklasan nitong may ilan siyang patak ng dugo. Hindi naman nagdalawang-isip ang clinical supervisor na tulungan ang babae upang malapatan ito ng first aid. Dahil sa distress ng kaniyang alaga sa pagkaipit, nakagat na pala nito ang kaniyang kaliwang index finger habang inililigtas sa pagkakaipit ng paa.
"I was about to leave the area nang biglang umaray ang babae, and looking back, nakita ko ang droplets ng dugo near the escalator. Humihingi na ng tulong yung babae sa mga gwardiya for first aid. Without hesitation, nag-unpack ako ng gamit sa harapan nilang lahat at nilapitan ang babae to provide injury management."
"She sustained a deep bite sa left index finger niya dahil sa pagligtas sa alaga niya, which was bleeding. After tending to her injuries, chineck ko rin yung alaga niya for any injuries (luckily wala naman), saka inendorse ko na siya sa mga gwardiya at sila na nagdala sa TMC."
Sa panayam naman ng Balita kay Aldwin, bukod sa clinical supervisor, isa rin siyang volunteer medic. Mabuti na lamang at lagi niyang dala ang kaniyang first aid kit kahit saan siya magpunta, upang magamit ito sa panahon ng pangangailangan.
Mas malinaw at detalyado niyang isinalaysay ang mga nangyari.
"Pababa po ako ng escalator, yung lady with her pet dog po ay paakyat naman. Nakaupo yung pet niya sa steps ng escalator, then pagdating po sa taas, biglang tumatahol na po nang sobrang lakas yung alaga niya. Naipit na pala yung balahibo ng paa ng dog po sa escalator. Tumakbo po ako paakyat para pindutin po yung emergency stop button ng escalator, which napindot din naman po nung babae agad. Sobrang frantic na rin po nung babae. Guards came a few seconds later and ni-reverse yung movement ng escalator para makawala yung alaga po."
"Aalis na po dapat ako pero yung babae nanghihingi ng first aid sa guards dahil nakagat pala siya ng alaga niya (nakita ko rin yung blood droplets po sa sahig malapit sa escalator). Without hesitation, nilapag ko yung bag ko para ilabas yung trauma kit (parang first aid kit po pero mas maraming gamit to treat more severe injuries like severe bleeding) ko po (araw-araw ko po itong dala anywhere I go)."
"Nilapitan ko yung babae and immediately provided disinfection and wound care sa kagat po sa daliri niya. After kong ma-control yung bleeding at malinis yung sugat niya, chineck ko naman po for injuries yung alaga niya po kasi puro dugo yung paw prints po niya. Luckily wala naman pong injury."
"Labis po ang pasasalamat ng babae sa pagtulong ko po sa kaniya, maging ang mga gwardiya po dahil sa mabilis kong aksyon. Sila na po ang nagdala sa kaniya sa isang medical facility sa loob ng Rob Mag po," kuwento ni Aldwin.
Kudos sa iyo Aldwin, at sana ay magsilbing paalala na rin ito sa fur parents na nagsasama ng kanilang fur babies sa loob ng mall, o ibang establishment na may escalators.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!