Nagpadala na ng disaster relief team ang Japan upang tumulong sa cleanup operation sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Ito ang kinumpirma ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa nitong Miyerkules.
“We are one with you in these trying times,” pahayag ni Koshikawa.
Ang ipinadalang grupo ay binubuo ng oil control experts mula sa Japan Coast Guard.
Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress matapos hampasin ng malalaking alon sa Naujan, Oriental Mindoro nitong Pebrero 28.
Nasiraan ang nasabing oil tanker na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil habang naglalayag mula Bataan patungong Iloilo.
Sa pagtaya ng University of the Philippines (UP) Marine Science Institute, posibleng maapektuhan ng oil spill ang 20,00 ektarya ng coral reef, 9,900 ektarya ng bakawan at 6,000 ektarya ng halamang dagat.
Philippine News Agency