Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa na tiyaking makapagsasagawa ng mga unannounced fire at earthquake drills.
Ang paalala ay ginawa ng DepEd kasunod na rin nang pag-obserba ng bansa sa Fire Prevention Month ngayong Marso.
Sa abiso ng DepEd, nabatid na ang naturang unannounced fire at earthquake drill ay dapat na isagawa tuwing una at ikatlong linggo ng buwan, alinsunod na rin sa DepEd Order No. 053, s. 2022.
“As the nation observes Fire Prevention Month this March, the Department of Education (DepEd) reminds all public schools to ensure the conduct of unannounced fire and earthquake drills every first and third week of the month, pursuant to DepEd Order No. 053, s. 2022,” anang DepEd.
Samantala, ang mga private schools, community learning centers, at state/local universities and colleges (SUCs/LUCs) naman ay hinihikayat rin ng DepEd na i-adopt ang naturang mga probisyon ng DO.
“Together, let us keep our learners, personnel, and schools safe from the harms of fire, earthquakes, and other calamities through effective preparation and simulation exercises,” dagdag pa ng ahensiya.