Nagpahayag na ng pagkabahala ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) sa serye ng mga pag-atake na kinasasangkutan ng ilang elected local officials sa bansa.
“The Comelec is equally disturbed by this development in view of the violence that is happening against our local officials,” ayon kay Comelec chairman George Garcia, sa isang panayam nitong Huwebes.
Kaugnay nito, nangako rin si Garcia na gagamitin ang buong puwersa ng kanilang kapangyarihan upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng mga susunod na halalan sa bansa.
"We are going to use the full force of our power to maintain peace and order during the election period, campaign period and even after the filing of candidacy," aniya pa.
Nabatid na simula nang maupo ang administrasyong Marcos ay nakapagtala na ng pitong pag-atake sa mga lokal na politiko sa bansa, at ilan sa mga ito ang sinawimpalad na mapuruhan at mamatay.
Ang pinakahuling insidente ng pag-atake ay ang naganap sa Negros Oriental, na ikinasawi ni Governor Roel Degamo at nadamay ang walong iba pang indibidwal.
Nitong Miyerkules, sinimulan na rin ng Comelec ang pagdaraos ng kanilang 3-araw na national election summit, sa pagsusumikap na magkaroon ng makabuluhan at sustainable na electoral reforms sa bansa.