Tuwing buwan ng Marso ay ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan—ang pag-unlad tungo sa pagkakapantay-pantay ng kasarian na naganap sa pamamagitan ng mga kilusan ng kababaihan.

Sa pagdiriwang natin ng kababaihan ngayong Marso, narito ang listahan ng mga pelikulang magandang pagnilayan ang makasaysayang aral na makukuha mula sa patuloy na pagtutol laban sa patriyarka, seksismo at paniniil.

Liway ni Dakip "Kip" Oebanda

Ang Liway ay isang Filipino independent film na isa sa mga pinaka-popular na pelikula noong Cinemalaya 2018. Ang Liway ni Kip Oebanda ay liham ng pag-ibig ng anak sa kaniyang ina. Higit pa sa isang pagpupugay, ang pelikula ay nagbibigay liwanag din sa kababaihan sa panahon ng rehimeng Marcos, na kahanay ng sapilitang paglaki ng isang batang ipinanganak at lumaki sa pagkakakulong.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Babae at Baril ni Rae Red

Ito ay kuwento ng isang babae at isang baril—at ang patriyarkal, kapitalistang sistemang kinabubuhayan nila. Ang pelikula ni Red ay nagbibigay ng boses sa mga kababaihan at itinatampok ang kanilang pang-araw-araw na pakikibaka—mula sa diskriminasyon sa lugar ng trabaho hanggang sa panggagahasa at pang-aabuso sa tahanan.

Malinaw ang konsepto ng Babae at Baril sa kasalukuyang konteksto ng kultura ng karahasan sa dating rehimen, at ang pag-patong nito sa karahasang dati nang kinakaharap ng babae sa loob at labas ng kaniyang trabaho.

Sister Stella L ni Mike de Leon

"Ako ay kristyano, higit sa lahat ako ay tao. Kung nandito lamang si kristo sa ibabaw ng lupa alam kong kasama ko siya sa pakikipaglaban.” - Sister Stella Legaspi

Mula sa direksyon ni Mike de Leon, bida rito si Vilma Santos bilang ang madreng si Sister Stella, ito ay tungkol kay Sister Stella na nasangkot sa labor strike matapos malaman ang tungkol sa pagpapabaya ng gobyerno sa mahihirap at uring manggagawa.

Ang kaniyang sinumpaang tungkulin na ipaglaban ang mahihirap at inaapi ay naging personal nang ang kaniyang kaibigang mamamahayag na si Nick Fajardo ay pinahirapan at ang pinuno ng unyon na si Dencio ay kinidnap at pinatay. Ang sumunod ay ang kaniyang pagmulat ng mata at mga mahabagin na labanan laban sa kalupitan at kawalang-katarungan sa hustisya.

Nanay Mameng ni Adjani Arumpac

Namatay si Carmen Deunida bilang isang aktibista sa edad na 93, na nag-iwan ng isang kuwento na sumasalamin sa walang katapusang salaysay ng kahirapan na nabigo ang sunod-sunod na pinuno na puksain sa isang bansang napakayaman sa mga kayamanan ngunit laganap ang hindi pagkakapantay-pantay.

Malinaw na ipinapakita ng dokumentaryo ang payak na buhay ni Nanay Mameng, siya ay karakter ng isang babaeng nakaranas ng matinding kahirapan at karahasan sa tahanan at bumangon mula sa lahat ng ito upang maging huwaran, na kilala sa kilusang masa ng Pilipinas.

Andrea, Paano ba ang maging isang ina? ni Gil Portes

Mula sa direksyon ni Gil Portes, bida rito si Nora Aunor bilang si Andrea, isang aktibista na dahil sa pagpatay sa kaniyang mister ng militar ay pansamantalang iniwanan ang kaniyang anak sa isang kaibigan.

Ang kaniyang karapatan bilang isang ina at bilang isang babaeng lumalaban sa kamalian at taliwas na gawain ng gobyerno ang siyang naghatid sa kaniyang hu­ling hantungan.

Sunday Beauty Queen ni Baby Ruth Villarama

Ang unang dokumentaryong nanalo ng Best Picture sa Metro Manila Film Festival noong 2016, ito ay nagpapakita ng mga Filipino domestic helpers sa Hong Kong na nakakahanap ng katuparan sa pamamagitan ng mga beauty pageant. Ang pelikula ay nagsisimula sa pagpapakita ng tunay na kalagayan ng mga babaeng overseas Filipino workers o OFW sa Hong Kong at ang lingguhang pagdaraos nila ng beauty contest.

Sa anim na araw na bugbog ang katawan sa trabaho, pinipili pa rin ng marami ang lumahok, hindi bilang pagtakas sa reyalidad at kasalukuyang kalagayan kundi pagtanto sa iba pang aspekto ng kanilang pagkatao.

Bata, Bata Paano Ka Ginawa ni Chito S. Roño

Ipinakita sa pelikula ang nakagawian noong unang panahon, na ang mga kababaihan sa Pilipinas ay normal at simpleng sumusunod sa mga kagustuhan at kapritso ng kanilang asawa at iba pang lalaking miyembro ng lipunan.

Ito ay sumasalamin sa mga kababaihan bilang sunud-sunuran sa patriyarka ng pamilya—na siyang nangingibabaw. Na inaasahan lamang silang manatili sa bahay, maglinis, alagaan ang kanilang mga anak, at sundin ang kanilang mga asawa. Ang mga responsibilidad at obligasyon ng sambahayan ay dapat na responsibilidad ng kababaihan.