Kaway-kaway, batang 90s!

Isa ka rin ba sa mga bagets noon na nag-alaga ng "kisses?"

Ang kisses (parehong baybay, singular man o plural), ay mga mumunting butil na likha sa malinaw rubber na may iba’t ibang kulay. Ito ay hugis biluhaba o pa-oblong na may kaunting diin sa gitna. Isa sa mga nangingibabaw na katangian nito ay ang pagiging mabango.

Take note, wala itong buhay o hindi kagaya ng pet, subalit ito ay "inaalagaan." Kadalasang inilalagay ito sa kahon ng posporong may bulak sa loob. Ang iba naman ay binabalot sa panyong may pulbos. Nilalagyan ito ng alcohol upang "manganak" daw at dumami.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang totoo niya, ang purpose talaga ng kisses ay maging pabango sa loob ng pitaka o bag, subalit naging laruan na nga ito ng mga batang 90s.

Ayon sa Facebook page na "Definitely Filipino," binalikan ng mga batang 90s ang tungkol sa pag-aalaga nila ng kisses sa nostalgic Facebook page na "Batang Pinoy-Ngayon at Noon." Sariwang-sariwa pa umano sa “young at heart" ang mga panahong ibinabalot nila ang mga ito sa bulak na may pulbos at alcohol, at pagkatapos ay ilalagay sa espesyal na sisidlan habang umaasa na manganganak at dadami pa ito.

Screengrab mula sa FB page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon

Narito ang ilan:

“‘Pag bumibili ako, talagang napapa-smile ako kasi sobrang cute nila. Sabi nila, alagaan ko raw at manganganak daw. Dinidiligan ko ng alcohol habang nakalagay sa bulak."

"Sabi nila manganganak… so humingi ako ng 1 nilagay ko sa posporo box na may bulak… tapos ilang araw na mag-isa pa rin sabi ng classmate ko dapat daw may asawa… loko! Hahaha."

"Saan nga ba nakakabili niyan? Yung akin kasi hinihingi ko lang sa mga kaklase ko. Ilang piraso lang binibigay kasi sabi nanganganak daw. Hahaha tabunan ng bulak tapos basain ng tubig o alcohol. Hindi naman nanganganak,naglalaho lang."

"Isa rin ako sa mga nauto noon… sinaunang budol hahaha."

Ayon naman sa Facebook post ng 'Pinoy Big Bloggers" noong 2015, bagama't hindi naman talaga nagsisilang o dumarami ang kisses, may naituturo naman ito sa buhay ng isang tao.

"Una, malalaman n'yo na hindi talaga nanganganak ang mga kisses pero nagdadala ito sa atin ng aral kung paano mag-alaga ng mga bagay o taong pinapahalagahan natin. Dito natin unang natutunan ang pagpapahalaga, pag-aalaga at pagiging masaya sa mga simpleng bagay."

"Tulad ng kisses, ang buhay natin ay makulay, mabango, Siguro kailangan lang nating alagaan at mahalin ang ating buhay para mahalin rin tayo nito pabalik. Minsan may mga bagay tayo pinaniniwalaan na hindi pala totoo, pero anong mawawala kung maniniwala diba? Malay mo, magkatotoo ito at masasabi mong nanganganak nga ang kisses."

"Ang sarap maging bata. Walang limitasyong pumipigil sa atin para maging masaya. Laging nakangiti. Laging nakatawa. Walang problema. Ang tanging problema lang ay kapag nalaman ng nanay mo na yung baon mo ay pinambili mo lang ng mga kisses sa tapat ng eskwelahang pinapasukan mo."

Ang tanong ngayon, may nag-aalaga pa ba ng kisses sa panahon ngayon?

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!