Tumatak ang petsang Marso 9, 2020 sa mga mag-aaral lalo na sa Metro Manila dahil sa araw na ito, nagbaba ng suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Marso 10 hanggang Marso 14.
Sa mga panahong ito kasi ay nagkaroon na ng mga ulat ng kaso ng Covid-19 sa iba't ibang lugar, at upang maiwasan kaagad ang pagkalat nito, sinuspinde na kaagad ang mga klase upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat, lalo na ang mga mag-aaral.
Kaniya-kaniyang pagbabahagi naman ang mga netizen sa alaala ng araw na iyon, na halo-halo umano ang reaksiyon.
"Natuwa ako at the same time nalungkot! Masaya ako kasi dapat may reporting ako, pero hindi na natuloy. Malungkot kasi hindi ko na nakita ang crush ko."
"Naku, ito yung nagpa-panic na kami that time kasi may thesis defense kami sa March 10, pero dahil nga nag-suspend ng classes, nabigyan pa kami ng more time to prepare."
"Nakakaloka ito… ito na ang simula nang pag-shift sa online classes, work-from-home scheme, at modular approach sa pagtuturo."
"Sino nga bang makakalimot? Ito na ang simula ng community quarantine."
"Bumuo kaagad ng group chats sa social media at Google classroom mga teachers namin that time, doon sila nag-post ng mga activities."
Dahil daw sa halos isang taong pag-adjust at pag-adapt sa "Bagong Normal," nagkaroon ng ideya ang mga paaralan upang tuluyang yakapin ang online classes at paggamit ng module.
Nauso ang mga salitang "synchronous" at "asynchronous" classes. Kapag synchronous, ibig sabihin ay magkakaroon ng klase sa pamamagitan ng video conferencing.
Kapag asynchronous naman o offline, "self-study" ang approach o paggawa ng mga gawaing ibibigay ng guro.
Naging mahirap ang sitwasyong ito lalo na sa mga nagtuturo sa lower level gaya ng nursery, kinder, Grade 1 hanggang Grade 3 lalo't hindi naman sanay ang karamihan sa mga guro (pati na mag-aaral) na nagsasagawa ng klase online.
Sa mga kurso namang kailangan ng skill, naging hamon ang paggamit ng mga laboratoryo, eksperimentasyon, at pagpo-produce ng tiyak na output.