Itinakda na ng Universidad de Manila (UdM) ang mga petsa kung kailan sila magsisimulang tumanggap ng aplikasyon para sa incoming college freshmen at senior high school students para sa Academic Year 2023-2024.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang mga college freshmen ay maaaring magsimulang mag-aplay sa Marso 13, 2023, habang ang mga senior high school applications naman ay maaari nang isumite simula sa Abril 17, 2023.

Base sa mga panuntunan na itinatakda ni UdM President Felma Carlos-Tria, sinabi ng alkalde nitong Huwebes na ang mga aplikante ay kailangang magtakda ng online appointment kung kailan sila magtutungo sa UdM at magsusumite ng kanilang mga requirements.

Ipinaliwanag naman ni Tria na ang online appointments sa pagsusumite ng requirements ay gagawin ng kada distrito, kung saan nakatira ang aplikante.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Nabatid na ang mga aplikante mula sa Districts 1 at 2 ay maaaring kumuha ng online appointments mula Marso 7 at 8 habang ang mula sa Districts 3 at 4 naman ay mula Marso 9-10. Ang mga mula naman sa Districts 5 at 6, ay sa Marso 11 at 12.

Ang mga aplikante naman sa lahat ng distrito na hindi nakakuha ng appointment schedule sa itinakdang petsa sa kanilang distrito, o hindi nakapunta sa araw ng kanilang appointment, ay ie-entertain pa rin mula Marso 13 hanggang Abril 14.

“Make sure to read and understand the Admission Requirements and Guidelines available in the Online Appointment System,” paalala pa niya.

Sakali naman aniyang maging matagumpay ang completion ng admission appointment, dapat na mag-print o mag-screenshot ng Appointment Confirmation ang aplikante na siyang ipapakita niya sa UDM Security, kasama ang kanyang balidong ID, para sa verification purposes, bago makapasok sa UDM premises.

Ang entry point para sa mga aplikante ay sa MEHAN GARDENS Gate.

Pinaalalahanan rin naman ang mga aplikante na dumating ng 15 minutong mas maaga sa kanilang appointment at huwag kalimutang dalhin ang lahat ng kinakailangan nilang requirement para sa aplikasyon.

“Don’t forget to bring all your application requirements,” ani Tria.

Nabatid na ang UDM Admission Appointment ay maaaring ma-accessed sa pamamagitan ng link nareg.udm.edu.ph/udmadmissiono sa QR Code na nakapaskil sa Facebook account ng UdM.

Sinabi ni Tria, na kabuuang 2,100 freshmen ay maaari nilang i-accommodate para sa 2023-2024 school year.