Sinimulan na nitong Huwebes ang dry run para sa pagpapatupad ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Tatagal hanggang Marso 19 ang dry run, ayon sa Facebook post ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Marso 9.

Paliwanag ng MMDA, laan lamang sa mga motorsiklo ang asul na bahagi ng Commonwealth Avenue na nasa ikatlong lane mula sa bangketa mula Elliptical Avenue hanggang Doña Carmen.

Pagdidiin ni MMDA head Romando Artes, layunin ng dry run na maging pamilyar ang mga nagmomotorsiklo sa motorcycle lane bago ipatupad ang sistema sa Marso 20.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Pagmumultahin ng ₱500 ang sinumang lalabag sa naturang sistema, ayon sa MMDA.

“Nagsisimula na po ngayon. Ang ginawa natin, magli-linya tayo ng mga enforcer doon sa motorcycle lane at nag-assign tayo ng motorcycle unit na iikot para gabayan ‘yung ating mga motorcycle riders,” sabi naman ni Artes sa isang panayam.

Kaugnay nito, umapela ang mga nagmomotorsiklo na ayusin muna ang mga lubak sa nasabing lane bago ipatupad ang patakaran dahil posible umano itong maging sanhi ng aksidente.

Nangako naman ang MMDA na makikipag-ugnayan sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa usapin.

Sa datos ng MMDA, halos 1,700 ang naitalang naaksidenteng motorsiklo sa nasabing kalsada noong 2022.