Umapela ang kinatawan ng Negros Oriental 3rd district na si Arnie Teves kay Pangulong Bongbong Marcos na sana ay maproteksyunan siya at kaniyang pamilya, dahil na rin sa nangyaring pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Mapapanood sa isang 16 minutong video ang apela ni Teves kay PBBM para sa sarili at para sa kaniyang pamilya.

“Nakakatakot ang mga ganitong pangyayari. Kaya ako ay nanawagan sa ating magaling at mabait na Presidente: Sir, Mr. President BBM, umaapela ako," ani Teves, ayon din sa ulat ng Manila Bulletin.

“Pakisabihan yung tao n'yo na ipabalik na ang aking lisensya ng mga baril para naman sa aking proteksyon at proteksyon ng aking pamilya…"

Matatandaang natanggalan ng lisensiya ng baril si Teves noong bandang Enero kaya panawagan niya, muling maibalik ito sa kaniya upang maipagtanggol ang sarili kapag kinakailangan.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si PBBM tungkol dito.