Inanunsyo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) nitong Martes, Marso 7, na makikipag-usap na ang Malacañang sa mga lider ng transport groups hinggil sa kanilang panawagan sa isinasagawang transport strike sa bansa.

Ayon sa Piston, bitbit ng kanilang pangulong si Mody Floranda sa pakikipag-usap kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos ang kanilang panawagang ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines.

"Dahil sa ating sama-samang pagkilos, naobliga ang Malacañang na makipag-usap sa transport leaders," pahayag ng Piston.

"Bitbit ni Ka Mody ang pangunahing panawagan kay BBM: Ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines!" dagdag nito.

Nagsimulang isagawa ang transport strike ng mga tsuper, operator, at kanilang mga taga-suporta nitong Lunes, Marso 6, bilang pagprotesta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na nakaambang mag-phase out sa mga tradisyunal na jeep.