Inanunsyo ni Governor Dorothy Montejo-Gonzaga na suspendido ang lahat ng klase sa probinsya ng Davao de Oro dahil sa nangyaring magnitude 6.2 na lindol nitong Martes ng hapon, Marso 7.
Sa inilabas na advisory ng Davao de Oro Provincial Information Office, sinuspinde ng gobernador ang lahat ng klase at trabaho sa lahat ng antas ng paaralan, pribado man o pampubliko, matapos yanigin ang probinsya ng nasabing lindol kaninang 2:02 ng hapon.
Pinag-iingat din ng lokal na pamahalaan ang mga residente at hinikayat na manatiling updated para sa mga susunod na abiso hinggil sa nasabing kalamidad.
Ayon sa tala ng Phivolcs, maaaring magkaroon ng aftershocks at pinsala ang nangyaring pagyanig.
Namataan ang epicenter ng lindol 13 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Maragusan, Davao de Oro.