CEBU CITY – Mula sa isang foreign trip, pinangunahan kaagad ni Bohol Gov. Aris Aumentado ang isang emergency meeting para talakayin ang mga hakbang na ginawa ng lalawigan para mapanatiling ligtas sa African Swine Fever (ASF).
Dumalo sa pulong ang iba't ibang pinuno ng mga tanggapan noong Lunes, Marso 6, kung saan nakasentro ang talakayan sa Executive Order (EO) na inilabas ni Aumentado para protektahan ang lalawigan laban sa ASF.
“We need to strengthen our strategy to prevent ASF from entering our province,” sabi ni Aumentado, na dumating mula sa Israel noong Lunes.
Nagpatawag ng emergency meeting ang gobernador matapos ang mga ulat na may kumpirmadong kaso ng ASF sa Cebu Province.
Sinabi ni Aumentado na kailangang mahigpit na ipatupad ang kanyang EO No. 52 na lumikha ng Bohol ASF Task Force na kanyang pinamumunuan bilang pangkalahatang chairman.
Naalala ni Aumentado na noong Setyembre 22, 2022, nilagdaan niya ang isang ordinansa na pinamagatang “Prohibiting the Entry of Live Pigs, Pork, Pork Products and Frozen Semen Coming From the African Swine fever (ASF) Affected-Areas and Providing Penalties thereof.”
Sa pagpupulong, sinabi ni Dr. Stella Marie Lapiz, pinuno ng Office of the Provincial Veterinarian, na dapat doblehin ang pagsisikap sa pagsubaybay sa mga coastal areas.
Tiniyak ng mga opisyal ng Bohol na magkakaroon ng sapat na suplay ng baboy ang lalawigan kahit pa ipatupad ang pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy.
Nasa ilalim pa rin ng “green level” ang Bohol na nangangahulugang malaya pa rin ito sa ASF.
Sinabi ni Aumentado na kung talagang nakapasok ang ASF sa Cebu, ang Bohol na lamang ang natitirang local government unit sa Central Visayas na nasa ilalim ng “green level.”
Sinabi ng gobernador na kabilang sa mga hakbang upang maprotektahan ang lalawigan mula sa ASF ay ang pagpapaigting ng information dissemination.
Ang mga tarpaulin at iba pang materyales na nagpapaalam sa publiko ng mga panganib ng ASF sa sandaling ito ay pumasok sa lalawigan ay ilalagay sa mga pangunahing lugar sa lalawigan.
Sinabi ni Provincial Administrator Aster Caberte na dapat pagmultahin ng hanggang P5,000 ang mga indibidwal na mahuling lalabag sa ordinansa laban sa ASF.
Dapat ding pagmultahin ang mga pasahero kung mahuhuling nagdadala ng mga ipinagbabawal na produkto sa lalawigan, ani Caberte.
Calvin Cordova