Trending ang episode ng award-winning magazine show na "Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS)" nitong gabi ng Linggo, Marso 5, matapos itampok ang isang dalagitang nagawa raw magnakaw ng mahigit ₱2M sa kaniyang lola upang matustusan ang kaniyang panggastos sa pagbili ng K-Pop merch.
Natuklasan umano ng kaniyang "Tita Jasmine" ang mga K-Pop merch ni "Bea," na labis umano niyang ipinagtaka kung paano ito nakabili ng mga ganoong collection. Pag-amin ng senior high school student, nakuha raw niyang pagnakawan ang kaniyang "Lola Agnes" na emosyunal namang nagpa-interview at lungkot na lungkot sa ginawa ng apo.
Kung susumahin nga raw, aabot na sa ₱2M ang presyo ng lahat ng merch items na kinolekta ni Bea. Problema ngayon ni Lola Agnes ay kung paano maibabalik sa kaniya ang mga nakuhang pera ng apo pambili ng naturang items.
Bago ang pag-ere ng naturang episode, nag-post muna ng patikim ang KMJS sa kanilang social media platforms patungkol sa kanilang itatampok sa kanilang show.
"PAALALA: maging disente sa ating komento
"Dalagita, nakuhang magnakaw ng mahigit 2 milyong piso para matustusan ang kanyang koleksyon ng K-Pop merch?!" ayon sa kanilang caption.
Pinalagan ng K-Pop fans ang ulat na may K-Pop merch na aabot sa halagang ₱50k ang isa, lalo na ang isang "photocard."
Maaari daw malagay sa alanganin ang K-Pop fans na nagsasabit ng photocard sa kani-kanilang bag, dahil puwede itong hablutin ng mga magnanakaw at ibenta.
Trending tuloy ang posts ng ilang netizen na nagsasabing nahablutan na sila ng photocard, sa pag-aakalang mahal ito at puwedeng ipagbili sa ganoong presyo. Nagkaroon daw ng maling ideya ang mga snatcher at kawatan na puwede itong kunin at maibenta.
Panawagan ng K-Pop fans kina Jessica Soho at sa kaniyang team, mag-research munang maigi.
Dahil dito, kinuyog at hinalungkat ng K-Pop fans ang social media accounts ni Bea maging ng kaniyang Tita Jasmine.
Batay umano sa natuklasan nila, mukhang hindi naman daw totoong naghihirap ang pamilya ni Bea at afford talagang bumili ng merch.
Nahalungkat ng netizens na 2017 pa lamang daw ay nangongolekta na si Bea ng merch, at kayang-kaya raw nilang mag-travel sa ibang bansa.
Espekulasyon pa ng K-Pop fans, mukhang estratehiya umano ito upang maibenta nila ang mga merch na mayroon sila, at "ginamit" lamang ang show upang makakuha ng mga posibleng parukyano.
Kung ganito lang daw pala ang layunin nila, bakit hindi na lamang daw sila nagtayo ng online stores o nag-online selling, kaysa sa nadamay at naperwisyo pa ang K-Pop fans na tahimik lamang na nangongolekta ng merch?
Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang KMJS tungkol sa isyu, na mababasa sa kanilang opisyal na Facebook page.
"Nakarating sa aming kaalaman ang tungkol sa isang online post na nagsasabing may nahablutan ng K-Pop merchandise sa MRT-Cubao. Inuugnay ito ng ilan na diumano bunsod ng pag-ere ng KMJS sa kuwento ni “Bea” na nagnakaw ng milyon sa kanyang pamilya para suportahan ang kanyang KPop collection."
"Nakipag-ugnayan kami sa MRT-Cubao at sa iba pang kalapit na police stations para i-verify ang insidente. Ayon sa pamunuan ng MRT-Cubao at police stations, walang anumang opisyal na naiulat sa kanila na nanakawan o nahablutan ng K-Pop merchandise sa nakalipas na 48 oras."
"Gayumpaman, hinihikayat nilang mag-report sa kanilang tanggapan ang mga nagpakilalang biktima, o sinumang may katulad na insidente para magawan ng aksyon."
"Nakikiusap ang pamilya ni 'Bea' na tigilan na ang pang-aatake sa kanila online at pagbubunyag ng kanilang pagkakakilanlan. Lumapit sila sa KMJS para matulungang mabawi ang perang pinaghirapan nila."
"Samantala, kinokondena naman ng pamunuan ng KMJS ang ginagawang trolling at harrassment ng ilang netizens sa aming staff na gumawa ng ulat tungkol kay 'Bea'. Nakikipag-ugnayan na rin ang KMJS sa aming Legal Team para sa susunod na hakbang."
"Tulad ng ibang mga kuwentong itinampok sa KMJS, ginawa namin ang istorya ni 'Bea' hindi para manghusga, pero para magsilbing aral at babala. Walang intensyon ang programa na makasakit, makapahamak ng iba, o magkaroon ng pagkakahati-hati."