Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong Lunes na ilang residente sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro ay nakakaranas na ng sintomas ng pagkakasakit.
Ayon kay Vergeire, kabilang sa mga sintomas na nararanasan ng ilang residente ay pagkahilo, pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo, pagsusuka, ubo, paglala ng hika at pagpa-palpitate.
Ipinaliwanag ni Vergeire na bagamat iilan pa lamang ang mga residenteng nakikitaan ng mga naturang sintomas, hindi aniya maikakaila ang panganib na dala ng naturang oil spill sa mga residente.
"We’ve noted these kinds of symptoms already. 'Yung pananakit ng tiyan, pagsusuka. 'Yung iba naman nagpa-palpitate, 'yung tumataas 'yung kanilang heart rate tapos parang nahihirapan huminga. 'Yung iba naman parang nahilo. 'Yung iba sumasakit ang ulo. 'Yung iba nag-uuubo at 'yung iba namang may hika, na-aggravate,” ani Vergeire, sa isang panayam sa ceremonial turnover ngHealth Technology Assessment Council (HTAC) sa Department of Science and Technology (DOST) nitong Lunes.
Anang health official, isang residente ang kinailangan pang isugod sa pagamutan dahil sa pagsumpong ng hika ngunit naagapan ito at ngayon ay nakalabas na ng pagamutan.
Nabatid na inatasan naman na ng DOH ang mga municipal health officers sa lugar na magbantay sa mga posibleng sintomas na makikita sa mga residente at kaagad na tugunan ito.
Pinayuhan rin naman ni Vergeire ang mga residente na naninirahan sa loob ng 100-meter zone ng apektadongcoastlines na magsuot ng industrial-grade na face masks.
Ang mga naninirahan naman sa loob ng 500 meters at palayo pa ay maaaring gumamit ng surgical face masks.