Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na may 43 katao ang naitala nilang namatay dahil umano sa rabies mula Enero 1 hanggang Pebrero 18, 2023 lamang.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ito ay mas mababa ng 4% kumpara sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Paglilinaw naman ni Vergeire, "Itong 43 na kaso na ito ay hindi rabies mismo. These are animal bite cases."
Ayon kay Vergeire, karamihan sa mga nakagat ng aso ay mismong ang may-ari sa kanila.
"Usually, animal bites would come from the owners. 'Yung mismong pets nila sa bahay malaki ang naitatala natin na mga numero na nakakagat din 'yung mga may-ari," ani Vergeire.
Nabatid na ang Central Luzon at Calabarzon ang nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng rabies infection, na may tigwalong kaso.
Sinundan naman ito ng Bicol Region at Davao Region, na nakapagtala ng tig-apat na kaso.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang DOH na dapat agapan ang kagat ng mga hayop at kaagad na magpaturok ng anti-rabies dahil ang case fatality rate nito ay nasa 100%.
"As soon as kayo po ay makagat, makalmot ng mga aso at pusa o 'di kaya ay daga, agad hugasan ng sabon at tubig ang sugat," ani Vergeire."Kung ito po ay nakikita niyo na malalim at hindi kayo sigurado kung kayo talaga ay nakagat, pumunta na agad sa pinakamalapit na health center para ma-check po at malaman kung kailangan bakunahan o hindi," aniya pa.