Niyanig ng magnitude 5.6 na lindol ang probinsya ng Davao de Oro nitong Martes ng hapon, Marso 7, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang nasabing lindol na tectonic ang pinagmulan kaninang 4:47 ng hapon.
Namataan ang epicenter ng lindol 11 kilometro ang layo sa timog-silangan ng New Bataan, Davao de Oro, na may lalim na 11 kilometro.
Naramdaman ang Intensity IV sa Monkayo, Davao de Oro, at City of Tagum, Davao del Norte, habang intensity III naman sa City of Davao; San Isidro, Sto. Tomas, at City of Panabo, Davao del Norte.
Naiulat naman ang Intensity II sa Don Marcelino, Davao Occidental, at Intensity I sa Magpet, Cotabato.
Samantala, naitala ang Instrumental Intensities sa mga sumusunod na lugar:
Intensity V - Nabunturan, Davao de Oro
Intensity III - Malungon, Sarangani
Intensity II - Davao City, Davao Del Sur; Don Marcelino, Davao Occidental; Tupi, South Cotabato
Intensity I - Kadingilan, Malaybalay, Talakag, Bukidnon; Magpet, Kidapawan City, Cotabato; Cagayan de Oro, Misamis Oriental; Alabel, Sarangani; Suralla, Koronadal City, Norala, South Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat; Bislig City, Surigao del Sur
Ayon sa Phivolcs, inaasahang magkaroon ng pinsala ang nasabing pagyanig.
Pinag-iingat din nito ang mga residente para sa mga posibleng aftershock.
Kanina lamang bandang 2:02 ng hapon ay isang malakas na lindol din ang yumanig sa Davao de Oro. Unang naiulat ng Phivolcs na magnitude 6.2 ang naging pagyanig, ngunit ibinaba ito ng ahensya sa magnitude 5.9 sa kasunod nitong update.
Namataan naman ang epicenter nito 13 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Maragusan, Davao de Oro.