Sey ni dating Senador Bam Aquino, hindi raw isyu ang modernisasyon kundi ang pagtanggal umano sa kabuhayan sa mga tsuper. 

Sa unang araw ng transport strike nitong Lunes, Marso 6, naglabas ng saloobin ang dating senador sa kaniyang Twitter account.

"Hindi isyu ang modernisasyon. Ang totoong isyu ay ang pagtanggal ng kabuhayan sa mga tsuper," aniya.

"Magagawa natin ang modernization kung kasama sila sa pagpaplano ng isang malinaw, abot-kaya, at makatarungang solusyon," dagdag pa nito.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Sa isa pang tweet, ibinida ni Aquino na naghain siya ng SB 2056 o ang "Makatarungang Transisyon Tungo sa Modernisasyon" kasama umano ang mga namumuno sa iba't ibang transport groups sa bansa.

"Nag-file tayo noong 2018 ng 'Makatarungang Transisyon Tungo sa Modernisasyon' (SB 2056) kasama ang mga namumuno sa iba’t ibang transport groups sa bansa. Kaya nating mag-modernize. Pero pakinggan at tulungan natin ang mga kababayan nating tsuper," anang dating senador.

https://twitter.com/bamaquino/status/1632713043124830215

Matatandaang sinabi ng transport groups, isasagawa ang weeklong transport strike mula nitong Lunes, Marso 6, hanggang sa Linggo, Marso 12. bilang panawagan ng mga tsuper at operator na ibasura ang nakaambang jeepney phaseout na mag-aalis sa kanilang ikinabubuhay.

Nakatakdang ipatupad ang nasabing jeepney phaseout sa darating na Disyembre 31 upang bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Sa ilalim ng programa, kinakailangang bumili ang mga operator ng consolidated entities ng modernong sasakyan na nagkakahalaga ng P2.4-milyon hanggang P2.8-milyon kada unit.