Naglabas ng pahayag ang Akbayan Party nitong Martes matapos ipasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagsusulong ng constitutional convention (Con-Con) para amyendahan ang 1987 Saligang Batas ng Pilipinas, o ang Charter change (Cha-cha).

Sa isang pahayag, sinabi ng Akbayan na lumang tugtugin pa rin ang Cha-cha dahil nariyan pa rin daw ang anino ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

"Panibagong galaw para sa Cha-Cha, pero lumang tugtugin pa rin. Panibagong galaw dahil pinamumunuan na ng mga Romualdez-Marcos na dinodomina ang liderato ng Kamara. Lumang tugtugin dahil nariyan pa rin ang anino ni Gloria Macapagal Arroyo. Sa madaling salita: Charter Change ng mga trapo," anang party.

Tutol ang Akbayan sa Cha-cha sa ilalim ng Administrasyong Marcos dahil maaari raw maging masama ang epekto nito sa buhay ng mga tao lalo na 'yong mga nasa laylayan.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

"Tutol ang Akbayan Party sa Cha-Cha sa ilalim ng Administrasyong Marcos. Ang pagbabago ng Saligang Batas ay dapat ginagawa na may tiwala sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan. Kung hindi, maaaring masama ang epekto sa buhay ng tao, lalo na sa mga sektor na nasa laylayan," anila.

"Ang galaw na ito ay gagamitin lamang ng mga trapo para mas palawakin at palakasin pa ang kanilang kapangyarihan, na dapat ay nasa kamay ng taumbayan. Higit sa lahat, sa dinami-dami ng problemang panlipunan na hindi Cha-Cha ang solusyon, ito pa talaga ang uunahin?" dagdag pa.

Pahayag pa ng Akbayan, kung babaguhin daw ang 1987 Constitution dapat daw ay magsimula ito sa tao at hindi sa umano'y trapo. 

"Kung babaguhin man ang 1987 Constitution na binuo noong maibalik natin ang demokrasya matapos ang madilim na panahon ng Batas Militar, dapat magsimula ito mula sa mga tao mismo, hindi sa mga trapo. Huwag nating hahayaan na tuluyang maisakatuparan ang pagsira ng pamilyang Marcos sa ating kasaysayan na isinasalamin ng ating Saligang Batas na nagtitiyak na hindi muling makakabalik ang diktadurya," anila.

Nananawagan ang Akbayan sa Senado na harangin ang Cha-cha ng mga 'trapo.'

"Nananawagan kami sa Senado na harangan ang anumang pagkilos para sa Cha-Cha ng mga trapo. Kinikilala namin na may mga pagbabagong dapat na ipasok sa Saligang Batas upang tumugon sa panahon, pero kung ang mga ito ay magbibigay-daan para maisulong ang interes ng iilan, kailangan itong hadlangan."

Matatandaang umabot sa 301 mambabatas ang bumotong pabor sa Con-Con habang pito naman ang tumutol at isa ang nag-abstain.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2023/03/07/con-con-pinalusot-sa-kamara/