Nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes na higit pa nilang palalakasin ang kanilang mga programa na para sa kapakanan ng mga kababaihan.

"Makakaasa po kayo na patuloy na susuportahan ng PCSO ang mga programa para sa kapakanan ng kababaihan. Kaugnay nito, patuloy rin nating pinag-aaralan kung ano ba ang magagawa pa para makapag-ambag sa pagsisikap para sa mas inklusibong lipunan," ayon kay PCSO chairperson Junie Cua, sa isang pahayag, kasabay nang paggunita sa National Women's Month ngayong Marso.

Sinabi ni Cua na matagal na silang nagsasagawa ng mga programa upang matulungan ang mga kababaihan, partikular na ang mga biktima ng mga pang-aabuso, sa pamamagitan nang pagkakaloob ng livelihood training at counseling sa mga ito.

Isinasagawa aniya nila ito sa ilalim ng kanilang Institutional Partnership Program (IPP), na tumutulong at sumusuporta sa iba’t ibang welfare agencies at charitable medical facilities nationwide.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya pa, nakatulong din ang PCSO sa may 62 iba’t ibang institusyon na pinagkalooban nila ng may kabuuang halagang P28.3 milyon.

Pinag-aaralan na rin aniya ng PCSO ang mga pamamaraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kababaihan at mga kabataan na apektado ng kalamidad, sa pamamagitan ng tulong na kanilang ipinagkakaloob, bilang bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility program.

"Pinag-aaralan po namin kung paano magiging mas responsive sa pangangailangan ng mga kababaihan at mga bata ang mga relief packs at iba pang ayuda na binibigay natin sa mga apektado ng kalamidad. Sinusuportahan po ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga paraan para mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan. We will continue to do just that,” ani Cua.

Dagdag pa niya, magdaraos rin ang PCSO ng mga aktibidad upang ipagdiwang ang mga kababaihan sa buong buwan ng Marso.