Dalawang katao ang sugatan nang mauwi umano sa pananaga ang tampuhan ng dalawang welder dahil lamang sa isang bluetooth speaker sa Malate, Manila nitong Lunes ng umaga.

Nasa maayos nang lagay ngunit inoobserbahan pa ng mga doktor ng Bagong Ospital ng Maynila ang mga biktimang sina Joseph Araza, 45, at si Louie Salan, 40, kapwa stay-in welder sa 121 Balagtas St., Malate, Manila.

Nabatid na si Araza ay nagtamo ng taga sa kanang bahagi ng kanyang leeg habang si Salan naman ay nagtamo ng taga sa ulo.

Samantala, tinutugis naman na ng mga otoridad ang nakatakas na suspek na si Mariano Casañada, na kasamahan ring stay-in welder ng mga biktima.

Metro

Tinatayang 14,000 kapulisan, nakahanda na para sa Traslacion 2025

Batay sa ulat ni PCpl Samuel Cayabyab ng Malate Police Station 9 ng Manila Police District (MPD), dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang pananaga sa loob ng tinutuluyang tahanan ng mga biktima at suspek.

Bago ang insidente, noong Marso 4, 2023 ay umiinom umano ng alak si Casañada sa loob ng kanyang silid habang nakikinig ng musika sa bluetooth speaker na hiniram niya kay Salan.

Dahil maghahating gabi na, nilapitan umano ni Salan ang suspek at binawi ang bluetooth speaker, na ikinagalit ng suspek, na nagresulta sa hindi na pagkikibuan ng mga ito.

Nito namang umaga ng Lunes, kasalukuyan umanong nagtatrabaho ang mga biktima nang bigla na lamang sumulpot mula sa kanilang likuran ang suspek at kaagad silang pinagtataga.

Mabilis na tumakas ang suspek habang ang mga biktima naman ay isinugod sa pagamutan ng kanilang mga kasamahan upang malapatan ng lunas.

Ang suspek ay mahaharap sa kasong frustrated murder sa piskalya.