Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na handa ang mga railway lines sa Metro Manila na palawigin ang kanilang mga biyahe ngayong Lunes, na siyang unang araw ng transport strike na ikinasa ng ilang grupo ng mga tsuper at operators ng public utility jeepneys (PUJs) na tutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program na isinusulong ng pamahalaan.

Ito, ayon kay DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez, ay upang mabawasan ang epekto ng naturang tigil-pasada sa mga public commuters.

Sa isang pahayag, sinabi ni Chavez na ang mga railway lines na handang magdagdag ng biyahe ay ang Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit-3 (MRT-3), at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2).

Ani Chavez, base sa ulat ng PNR management, ang PNR ay mayroon ngayong 14 trainsets mula sa dating pito lamang noong Agosto 2022.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil aniya sa transport strike, mag-e-extend ng operasyon ang PNR sa pamamagitan nang pagdaragdag ng 14 na biyahe ngayong Lunes, kaya’t ang kabuuang biyahe nito ay magiging 60 na, mula sa dating 46 lamang.

“The PNR has now 14 trainsets from seven in August 2022. With the transport strike it will extend its operation by adding 14 trips today, March 6, making the total trips to 60 from 46,”ani Chavez.

Magdaragdag rin aniya ito ng isang biyahe sa kanilang biyahe mula Tutuban Station at palalawigin ang pag-alis ng naturang biyahe ng hanggang alas- 8:46 ng gabi mula alas-7:46 ng gabi.

Samantala, ang MRT-3, bagamat nasa normal na operasyon, ay handa ring mag-extend ng kanilang operasyon para sa huling biyahe mula sa North Avenue Station sa Quezon City ng hanggang alas-10:00 ng gabi mula sa dating alas-9:30 ng gabi lamang at mula sa Taft Avenue Station ng hanggang alas-10:41 ng gabi, mula sa dating alas-10:11 ng gabi, kung kakailanganin.

Sa panig naman ng LRT-1, sinabi ni Chavez na tiniyak ni Light Rail Manila Corporation (LRMC) Spokesperson Jacqueline Gorospe sa DOTr, na sisiguruhin nila sa LRMC ang availability ng kanilang serbisyo at manpower.

Ang regular trip naman ng LRT-2 mula Recto Station sa Maynila ay hanggang alas-9:30 ng gabi, at kung palalawigin ito ay aabutin ito ng hanggang alas-10:00 ng gabi.

Matatandaang nagkasa ang ilang transport group ng isang linggong tigil-pasada bilang pagtutol sa PUV modernization program na sinimulan nitong Marso at inaasahang tatagal hanggang sa Marso 12.