Umapela sa Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes ng isang mapayapang transport strike at binalaan ang mga taong may balak na manggulo na huwag na itong ituloy dahil handa aniya ang Manila Police District (MPD) upang hadlangan sila at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

"Sa mga may balak manggulo, 'wag na po ninyong ituloy dahil nakahanda po ang ating kapulisan na panatilihin ang peace and order sa ating lungsod,” ayon pa kay Lacuna.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna nitong Lunes, matapos pangunahan ang deployment ng mahigit 300 na iba't-ibang uri ng sasakyan na nagbigay ng libreng sakay sa mga commuters na apektado ng transport strike.

Dakong alas-5:00 pa lamang ng madaling araw ay naghanda na sina Lacuna, kasama sina Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, Manila Traffic and Parking Bureau chief Zenaida Viaje and adviser Dennis Viaje; Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Councilor Awi Sia,spokesperson Atty. Princess Abante at chief of staff Joshua Santiago, sa pagharap sa mga drivers ng mga sasakyan na kasali sa "Oplan: Libreng Sakay."

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Pinasalamatan rin ng lady mayor si Dizon sa pagbibigay ng 11 pick-up vehicles at tatlong malalaking trucks habang ang iba namang behikulo ay nagmula sa city government.

Ang mga sasakyang idineploy ng lokal na pamahalaan ay kinabibilangan ng 300 E-trikes, ilang pick-up trucks, 17 buses at tatlong transport buses mula sa MPD at iba pa.

Anang alkalde, mag-iikot ang mga libreng sasakyan sa lungsod para tumulong sa mga istranded na pasahero hanggat umiiral ang welga mula umaga ng alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.

Sinabi pa ng alkalde na wala ring inaasahang epekto ang transport strike sa city government ng Maynila, dahil gumawa na ng hakbang ang kanya-kanyang departamento para may masakyan ang mga kawani pagpasok nila sa tanggapan.

Idinagdag pa ni Lacuna na ang direktiba niya sa pagsasagawa ng online classes ay inaasahan ding magpapagaan sa epekto ng transport strike.

"At least, malaking kabawasan po ito sa gagamit ng public transportation," sabi ni Lacuna.

Sa bahagi naman ni Dizon, sinabi nito na ang sapat ng pwersa ng mga kapulisan ay naikalat na sa lungsod upang tiyaking payapa at maayos ang transport strike at walang manggugulo sa"Oplan:Libreng Sakay."

"May mga kapulisan sa lahat ng lugar to ensure peace and order and walang manggugulo sa mga jeep na di sumali sa strike at sa mga gustong mag-avail ng libreng sakay.May mga traffic enforcer din tayong naka-assign sa loob ng mga bus to ensure na maayos," pahayag pa ni Lacuna.

Sa kanyang maikling mensahe sa deployment ng mga sasakyan, binilinan ni Lacuna ang mga commuters na huwag maniningil sa mga pasaherong istranded na sinikap na pumasok sa kanilang trabaho.

Ayon kay Lacuna, "konting pasensya lamang po at makakarating din naman po tayo sa ating pupuntahan."

Ang transport strike ay ikinasa ng ilang transport group mula Marso 6 hanggang 12 bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.