Muling nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa mga nagpoprotestang transport groups na makipag-dayalogo sa kanila, kasunod na rin ng umaarangkadang isang linggong transport strike.
“Nakikiusap kami dito sa mga gustong sumali sa strike na makipag-usap sa amin. Open naman yung office namin. Baka hindi lang nila naintindihan ang mga issues. Mas mabuti mapag-usapan,” panawagan pa ni Bautista, sa isang televised public briefing nitong Lunes.
Muli ring tiniyak ni Bautista na walang plano ang DOTr na i-phase out ang mga jeepney units sa Disyembre 2023, at sa halip ay dapat na mag-consolidate lamang ang mga drivers at operators upang magkaroon sila ng access sa ipinagkakaloob ng tulong ng pamahalaan para sa modernisasyon.
Matatandaang nitong Lunes, sinimulan na ng ilang transport group ang isang linggong tigil-pasada, na magtatagal hanggang sa Marso 12, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Nanawagan na rin ang mga ito kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspindihin ang implementasyon ng mga guidelines ng programa.
Sinabi naman ng DOTr na 5% lamang ng mga jeepney drivers at operators ang lumahok sa strike sa buong bansa habang 10% naman sa National Capital Region (NCR).