Nagbigay ng sentimyento ang historyador na si Xiao Chua tungkol sa sitwasyon ng mga jeepney driver nitong Linggo, Marso 5, isang araw bago magsisimula ang week-long transport strike nitong Lunes, Marso 6, bilang pagprotesta sa nakaambang jeepney phaseout sa bansa.
Sa kaniyang Twitter post, ibinahagi ni Chua kung bakit nagsasagawa ng protesta ang mga jeepney driver at operator laban sa nakaambang pagbabasura sa mga tradisyunal na jeep upang bigyang-daan ang PUV Modernization Program ng pamahalaan.
"Ganito. Sa isang magsasaka, ang lupa ay buhay. Sa kasaysayan, yung mga inagawan ng lupa, mamamatay sa gutom, kaya nagkaroon ng agrarian revolts," paunang pahayag ni Chua.
"Sa isang jeepney driver, ang jeep ay buhay.
"Pag tinanggal sa kanila ‘yan, para mo na ring pinatay ang pamilya niya," saad niya.
Sa kasunod na pahayag ay binanggit ni Chua na susuportahan niya ang jeepney modernization kung magkakaroon ng mas maraming suporta ang gobyerno sa mga maapektuhan nito, lalo na ang mga tsuper.
"Yes to jeepney modernization with more government support!" ani Chua.