Ikinalungkot at mariing kinondena ng isang obispo ng Simbahang Katolika ang karumal-dumal na pagmasaker kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at limang iba pang indibidwal sa loob mismo ng kanyang tahanan nitong Sabado.

Inilarawan pa ni Dumaguete Bishop Julito Cortes ang naturang insidente na “heart-breaking” at “senseless act of murder.”

“How can we ever have lasting peace if we keep living in a culture of violence?” pahayag pa ni Cortes. “When will this cycle of killings ever stop?”

Batay sa ulat ng pulisya, isang grupo ng mga armadong lalaki na nakasuot ng pixelized uniform ang pumasok sa tahanan ni Degamo at pinagbabaril ang gobernador gayundin ang mga sibilyang kasama niya, habang namamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagpaabot rin naman ang obispo ng pakikiramay sa pamilya ng gobernador gayundin sa mga nadamay sa krimen.

“May the God of compassion pour forth upon you all the strength and consolation you need in this time of great sorrow,” dagdag pa ni Cortes.

Nanawagan rin ang obispo sa mga otoridad na kaagad na umaksiyon at panagutin ang mga taong nasa likod ng krimen, partikular na ang mastermind o utak nito.

Habang isinusulat ang balitang ito ay iniulat na ng mga otoridad na may ilang suspek sa krimen na silang naaresto, at isa anila rito ang napatay pa sa engkwentro.

Hinikayat rin naman ng obispo ang mga mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang “Oratio Imperata to End Killings in the Province” hanggang sa tuluyan nang matigil ang mga patayan sa isla.

“God knows the anguish of our hearts, Brothers and Sisters. So, do not be discouraged. The Lord of love and mercy will never abandon us,” pahayag pa ni Cortes.