Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga karaniwang sakit na nauugnay sa pagtaas ng temperatura tuwing tag-init.
“Hinihintay na lang natin na ideklara ng PAGASA ang simula talaga ng summer season. Alam po natin na kapag tag-init dito sa ating bansa, may mga sakit po tayo na binabantayan,” ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing kamakailan.
Nagbabala si Vegeire sa mga mamamayan, lalo na sa mga senior citizen, laban sa heat stroke at dehydration.
“Kapag lumalabas po tayo, laging tatandaan na dapat magdadala tayo lagi ng tubig na pang hydrate natin. Magdala tayo ng sombrero para matakpan natin ang ating ulo at magsuot ng light clothing para hindi talaga tayo maapektuhan nito,” aniya.
Dapat ding subaybayan ng publiko ang kanilang presyon ng dugo sa panahon ng tag-araw.
“Yung ating vulnerable population: nakakatanda at maysakit—-pag sobrang init tinataasan ng presyo. Kaya magiingat din tayo at laging magpakonsulta sa ating mga doktor," aniya pa.
Ang conjunctivitis o sore eyes ay karaniwan din sa panahon ng mainit na panahon. Gayundin, dapat obserbahan ng publiko ang personal na kalinisan sa katawan upang maiwasan ang mga sakit sa balat, ani Vergeire.
“Pag may nangangati na sa ating balat, magpatingin na agad sa ating health center para malunasan na agad at hindi na po makapanghawa," dagdag niya.
Dapat ding maging maingat ang publiko sa pagkasira ng pagkain. Pinayuhan din ni Vergeire ang publiko na tiyaking malinis ang kanilang inuming tubig.
“Kapag hindi po tayo sigurado doon sa ating tubig na iinumin, pakuluan po natin ng at least three minutes para malaman po madisinfect natin siya at maging safe ito for your consumption," saad ng health official.
Analou de Vera