Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo, Marso 5, na mananatili ang mga klase sa alternative learning mode mula Marso 6 hanggang 12, kung kailan isasagawa ang transport strike bilang pagprotesta sa nakaambang jeepney phaseout sa bansa.

Sa inilabas na advisory ng DepEd, inabisuhan nito ang lahat ng Regional Directors at Division Superintendents na maghanda sa "in-person classes" at "modular distance learning", depende umano sa magiging sitwasyon ng bawat lugar sa transport strike nitong Lunes, Marso 6.

"To give our schools flexibility, classes may be conducted in-person or through alternative delivery modes depending on the preference of the learners and their parents/guardians," anang DepEd.

"Topmost in mind is the national agenda, that should be supported by a whole-of-nation approach, to maximize the learning recovery of our learners," dagdag nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpahayag din ng pasasalamat ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtulong umano nila sa mga mag-aaral kung kailan gaganapin ang tinawag nitong "disruptive transport strike".

"The DepEd wholeheartedly appreciates the efforts of LGUs and other government offices in helping our learners during this learning disruptive transport strike," anang DepEd.

"The Department of Education will not kowtow to communists, their allies, and supporters," saad pa nito.

Matatandaang tinawag din ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na "communist-inspired" at "pointless" ang ikakasang transport strike ng mga tsuper sa bansa. Kinondena rin niya ang pagsuporta ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines dito.

BASAHIN: VP Sara, tinawag na ‘communist-inspired’,‘pointless’ ang transport strike

Samantala, sinagot naman ng ACT ang ginawang "red-tagging" ni Duterte sa kanila at sinabing dapat pagtuunan ng DepEd Secretary ang mga suliranin na kahaharapin ng mga guro at mag-aaral sa darating na strike.

BASAHIN: Grupo ng mga guro kay Duterte: ‘Iwasang magtago sa red-tagging, harapin ang hinaing ng mga guro, mag-aaral’

Isasagawa umano ang transport strike upang tutulan ang nakaambang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeep na mas magpapahirap sa buhay ng mga tsuper at maliliit na operator.

Nakatakdang ipatupad ang nasabing jeepney phaseout sa Disyembre 31 upang bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Sa ilalim ng programa, kinakailangang bumili ang mga operator ng consolidated entities ng modernong sasakyan na nagkakahalaga ng P2.4-milyon hanggang P2.8-milyon kada unit.