Itataas na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang alert status bilang paghahanda sa isang linggong transport strike a magsisimula sa Lunes, Marso 6.
Sa pahayag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, nakahanda na ang 80 porsyento ng kanilang tauhan, kabilang na ang 18,000 pulis na ipakakalat sa mga lansangan sa Metro Manila.
"Lahat ng available resources ng PNP ay ilalabas, at pati na rin ang ating mga personnel na nag-re-render ng admin duties ay ilalabas natin 'yan at ide-deploy sa pangunahing kalsada," pagdidiin ni Fajardo sa television interview nitong Linggo.
"Pati na rin 'yung mga sakayan kung saan natin ipupwesto 'yung mga ipahihiram na patrol pati ang mga sasakyan, buses, at trucks, na manggagaling sa governments units ay lalagyan natin ng pulis para doon sa mga kababayan natin na mag-a-avail ng libreng sakay ay ma-escort," aniya.
Nangako rin si Fajardo na magpapatupad sila ng maximum tolerance laban sa mga public utility vehicle operator at driver na lalahok sa tigil-pasada.
Bukod sa mga pulis, magpapakalat din ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapanatili ang kapayapaan ang kaayusan sa mga lugar na pagdadausan ng protesta.